Ako sa Gitna ng Pandemya
ni Melody Jade Soriano
ni Melody Jade Soriano
Sa gitna ng bagyo ay kapayapaan.
Sa bagyong dala ng pandemyang ito ako ay nasa gitna,
sa mata.
Ultimo sugat o bakas ng paghihirap di makita.
Habang ang nasapaligid ko'y hinahampas ng ulan,
pinapawi ng hangin,
halos walang makapitan, naghihirap.
Payapa, pero lahat ng kahirapan sa paligid ay namamasid..
Di alam kung kalungkutan o balisa ang dapat madama.
Ano nga ba ang nadarama?
Baka dismaya
sino nga ba ang di madidismaya sa mga
makapangyarihang kayang humumpay ng bagyo
ngunit di ginagawa dahil baka naman may
tutulong o may ibang gagawa?
Parang si Juan tamad na naghihintay na
mahulog ang mansanas sa puno, tayo ay
naghihintay sa kolonyolistang mga bansa na
magbigay lunas sa karumaldumal na problema.
Samantala, ang mga mandirigma ay umaatake
ng walang sandata. Ibibigay ang sarili para sa
lipunan kapalit ng walang kwentang parangal
galing sa buwayang papalakpakan ang
katapangan ngunit di naman sila proprotektahan.
Juan, lahat na'y gumuguho purkit sa karangyaan
at kasarilihan. Ang isang taong nais tumulong ay
tinapatan ng limang gahamang pagkakakitaan
ang paghiihirap dala ng bagyo, mag -aalok ng
panadaliaang ginhawa sin-mahal ng ginto.
Juan naisip mo ba na di lamang ang pandemya
ang problema?
Na 'di ang pandemya ang ugat ng kahirapan,
ngunit ang ang mga gahaman, ang mga
buwaya, at kanser na patuloy nilang pinapalala.
Sa gitna ng bago ay ang mata,
mata na sana di namamanhid sa sakunang nakikita,
mata na sana lululuha at nagdurusa.
Pinupukaw ang puso para sa bansang duguan na.
Sana ang pandemya'y nagbigay liwanag sa mga
kakulangan at butas ng ating sistema. Panahon
nang magbago, mag-aklas,
ikaw at ako ang lunas.