Hulyo 19, 2021 – Sa patuloy na pagbibigay ng mga kinakailangang suporta sa mga kawani, naglabas ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ng karagdagang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa upang palakasin ang mga hakbang sa pagresponde sa mga panganib ng COVID-19.
“The pandemic is a continuous challenge in delivering quality education. We have to implement enabling fiscal policies to keep supporting our stakeholders in the field. We have to fight for it and we have to be conscious all of the time dahil alam natin na we have that kind of a challenge at hand,” ani Kalihim ng Edukasyon Leonor Magtolis Briones.
Humigit kumulang sa P3.7 bilyong karagdagang pondo na inilaan para sa MOOE ang ipamamahagi sa 16 Regional Offices, 213 Division Offices, at 44,851 na pampublikong paaralan sa buong bansa. Ang karagdagang pondo ay ilalaan para sa pagpapalakas ng new normal set-up at implementasyon ng mga pamantayang pangkalusugan.
“Para po ito sa mga binibili nating supplies para po sa ating teaching and non-teaching personnel na pumapasok ay mayroon ding karagdagang proteksyon. Kahit po wala ang mga bata at hindi sila pumasok sa eskwelahan ay gumagana at nagooperate pa rin po ang ating mga eskwelahan,” saad ni Pangalawang Kalihim sa Pananalapi Annalyn Sevilla.
Sa paghahanda para sa susunod na taong-panuruan, ang MOOE ang magdadagdag ng pondo para sa proteksyon ng mga guro at kawani laban sa COVID-19 habang nagseserbisyo.
Ang karagdagang MOOE ay para suportahan ang DepEd Memorandum No. 39, s. 2020, na nagpapahintulot na gamitin ang regular na alokasyon para sa MOOE at mga local na pondo sa pagpapatupad ng mga hakbang sa paghahanda at pagtugon sa mga panganib dulot ng COVID-19 na inilabas noong Marso 12, 2020.
Ito rin ay sumusuporta sa DepEd Order (DO) No. 11, s. 2020 o ang Revised Guidelines on Alternative Work Arrangements in the Department of Education during the period of the state of national emergency due to the COVID-19 pandemic na inilabas noong Hunyo 15, 2020.
Panghuli, ang karagdagang pondo ay ilalaan upang palakasin ang DO 14, s. 2020 o ang guidelines to the required health standards in the basic education offices and schools na inilabas noong Hunyo 25, 2020.
“Kahit last year pa po itong mga issuances na ito ay nagbibigay pa rin tayo ng additional funding source for our schools so they can prepare especially for the coming school year 2021-2022,” dagdag ni Sevilla.
Ayon kay Sevilla, ang DepEd ay nakapaglabas na ng MOOE sa mga field units nito noong unang bahagi ng Hunyo at inaasahan ng Kagawaran na magagamit nang husto ang pondo na ito.
Full article (English): https://www.deped.gov.ph/.../deped-releases-additional-3.../