Diagyan NHS, Dilasag, Aurora — Isinagawa ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Dilasag ang isang makabuluhang symposium noong Hulyo1 na dinaluhan ng mga mag-aaral ng Grade 12.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang kaalaman at kahandaan ng mga kabataan sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad gaya ng lindol, baha, at bagyo. Tinalakay dito ang mga pangunahing hakbang sa disaster preparedness, risk reduction, at emergency response.
Nagsilbing tagapagsalita sa nasabing symposium si Bb. Jocelyn M. Lapada, na nagbahagi ng mahahalagang impormasyon at karanasan kaugnay ng tamang paghahanda at pag-iwas sa mga panganib na dulot ng kalamidad. Aniya, “Ang kabataan ay may mahalagang papel sa pagpapanatili ng ligtas at matatag na komunidad.”
Lubos ang pasasalamat ng mga guro at estudyante sa isinagawang aktibidad dahil ito’y naging daan upang mas mapalalim ang kanilang pag-unawa at kahandaan sa anumang emergency na maaaring maranasan.