“Huwag niyong sabihin na kayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan, ipakita niyo.”

Ito ang naging hamon ni Brgy. Captain Jonathan E. Marzan, Inducting Officer, sa mga mag-aaral at sa mga bagong halal na opisyales ng Diagyan National High School sa ginanap na Induction Program nitong Setyembre 4.

Kasama sa mga nanumpa ang mga bagong halal na School Parent-Teacher Association Officers sa pangunguna ni G. Christoper Domingo, SPTA President.

“Hinihiling ko po na tayo ay magkaisa para sa ikauunlad ng ating paaralan,” saad ni G. Domingo matapos tanggapin ang simbolo ng katungkulan mula kina Gng. Elvie Cayabyab at Gng. Jessielyn Marzan, mga dating SPTA officers.

Nanumpa rin ang mga mag-aaral at mga magulang na tutupad sa mga tungkuling nakaatang sa kanila bilang mga opisyales ng iba’t-ibang baitang at organisasyon ng paaralan.

Labis naman ang pasasalamat ni Gng. Norma Abad, Officer-in-Charge, sa lahat ng mga magulang at mag-aaral na nangakong magtutulungan para sa ikagaganda ng Diagyan National High School.

Ipinaabot rin ni Gng. Rowena R. Teh, Principal I, ang kanyang pagkilala sa lahat ng mga naging bahagi ng nasabing programa.