JULIA MAGBANUA · LATHALAIN · 6 minutong babasahin · Mayo 06, 2025
MAKABULUHANG PAPEL. Ginampanan ni Sky Alviar (12I) ang karakter ni Alejandro, isang amang hinarap ang isang mabigat na pagsubok.
Kuha ni DAPHNE VEDAN, Ulat ni SEAN NIGEL GUTIERREZ
Sa Pilipinas, ang Pasko ay hindi lamang panahon ng masasayang awitin, makukulay na parol, at masaganang handaan. Ito rin ay panahon ng pagbabalik-tanaw sa mga pangakong binitiwan, sa mga pamilyang buo man o hindi, at sa pag-asang bitbit natin sa kabila ng lahat ng pinagdaanan. Ganito ang damdaming namayani sa entablado noong ika-12 ng Disyembre 2024 nang itinanghal ng Teatro Punlahi ang dulang musikal na “A Father’s Promise.”
Hindi ito isang pangkaraniwang kwento ng Pasko bagkus isa itong madamdaming salamin ng isang pamilyang humaharap sa kawalan, lungkot, at pagsubok sa panahong dapat sana ay puno ng liwanag at saya.
Ang Kwento ng Isang Nawalang Pangako
Sa unang eksena pa lamang, agad nang dinadala ng dula ang mga manonood sa isang tahimik ngunit mabigat na tagpo—isang pamilyang pilit bumabangon mula sa pagkawala ng haligi ng tahanan. Ang kwento ay umiikot sa pamilya nina Alejandro, Agnes, Lyka, at Gelo. Sa simula, ipinapakita kung paano binuo ni Alejandro ang pangarap para sa kanyang pamilya ngunit biglang nagbago ang lahat nang siya ay pumanaw.
Ang pagkawala ng isang magulang ay hindi lamang isang emosyonal na sugat kundi isa ring matinding pagsubok na bumabago sa relasyon ng mga naiwang miyembro ng pamilya. Sa kwento, ipinakita kung paano may kanya-kanyang paraan ng pagdadalamhati ang bawat isa sa kanila. Si Agnes, ang ina, ay pilit hinahanap ang tibay ng loob upang maitaguyod ang pamilya. Si Lyka, ang bunsong anak, ay nalilito sa kanyang emosyon—nagdadalamhati habang may hinanakit sa kanyang kapatid na si Gelo, na tila hindi nakikidalamhati sa kanilang pagkawala. Sa isang matinding eksena, tinanong ni Lyka ang kanyang kuya, "Ikaw ang nang-iwan sa pamilya natin. Ikaw ang dahilan kung bakit nasira ang pamilya natin." Isa itong matalim na linyang nagbigay-diin sa kanilang alitan at sa sugat na dulot ng pagkawala ng kanilang ama.
Musika at Damdamin sa Entablado
Bilang isang dulang musikal, isa sa pinakamalalakas na elemento ng A Father’s Promise ay ang musika. Hindi lamang ito basta mga awitin na idinagdag upang gawing mas magaan ang dula; sa halip, naging bahagi ito ng naratibo, nagsilbing tinig ng mga tauhan upang maipahayag ang kanilang damdamin. Ang ilan sa pinakamakabagbag-damdaming linya sa dula ay inawit ng mga tauhan, gaya ng "Saan ako kukuha ng lakas?"—isang linya na nagpalalim sa bigat ng eksena.
Sa teknikal na aspekto, mahusay ang musika ng banda sa paglikha ng tamang emosyon sa bawat eksena. Bagaman may mga pagkakataong tila mahina ang mikropono ng ilang karakter, hindi ito lubusang nakaapekto sa kabuoan ng dula. Ang musikalidad ng pagtatanghal ay naging mahalagang elemento upang gawing mas totoo at mas dama ang emosyon ng bawat karakter.
HILOM. Ipinakita ni Isa Barredo (12B) bilang Lyka ang emosyon ng pangungulila at pagkalito
isang kabataang piniling umiwas sa pamilya at kaibigan habang pilit niyang binubura ang alaala ng yumaong ama sa pamamagitan ng pag-iwas sa kahon na iniwan nito.
Kuha ni DAPHNE VEDAN, Ulat ni SEAN NIGEL GUTIERREZ
Kung pag-uusapan ang pagganap ng mga aktor, kapansin-pansin ang husay ng Teatro Punlahi sa pagpili ng mga gumanap sa bawat papel. Si Sky Alviar (12I), na gumanap bilang Alejandro, ay nagbigay ng isang makapangyarihang pagtatanghal, lalo na sa kanyang huling mensahe bago siya tuluyang lumisan sa istorya: "Kayo pa rin ang pipiliin ko... at maligayang Pasko, aking pamilya." Isang linya na tumatak sa isipan ng mga manonood at nagbigay ng matinding emosyon sa pagtatapos ng dula.
Bukod kay Sky, mahusay din ang pagganap ni Leila Mara (12J), na nagdala ng matinding emosyon sa kanyang karakter bilang Agnes. Isa sa pinakamatatandaan sa kanyang pagganap ay ang eksena ng scrapbook, kung saan ipinakita kung paano nila ginamit ang kanilang mga alaala upang muling buuin ang diwa ng Pasko sa kanilang tahanan.
Sa usapin ng stage design, simple ngunit epektibo ang ginamit nilang set. Gayunpaman, may ilang aspekto na maaaring paunlarin, tulad ng backdrop na minsan ay hindi tumutugma sa eksena. Sa kabuoan, mahusay ang paggamit ng ilaw at tunog, bagamat may ilang pagkakataong hindi napailawan nang maayos ang pangunahing karakter, na maaaring nakaapekto sa damdamin ng ilang eksena.
Sa pagtatapos ng pagtatanghal, hindi lamang isang kwento ng pagkawala ang A Father’s Promise kundi isa rin itong paalala sa kahalagahan ng pamilya at paghilom. Sa kabila ng sakit at pangungulila, may pag-asa. Ang Pasko ay hindi lamang tungkol sa kasayahan kundi tungkol din sa pagpapatuloy ng buhay, kahit pa may mga iniwang sugat ang nakaraan. Tulad ng sinabi ni Zinda Vir sa dula, "Healing is always possible."
Ang A Father’s Promise ay isang madamdaming pagtatanghal na tunay na sumasalamin sa realidad ng maraming pamilyang Pilipino. Sa husay ng pagganap, musika, at lalim ng emosyon ng kwento, isa itong dula na hindi lamang nagbibigay ng saya kundi pati ng pagninilay sa tunay na diwa ng Pasko. Kung ang isang dula ay may kakayahang magpaiyak, magpatigil, at magbigay ng pag-asa sa mga manonood, tiyak na ito ay isang pagtatanghal na sulit balikan at pag-usapan.
Gaya ng sabi ni G. Abejuela, “Mabuhay ang sining, mabuhay ang Teatro Punlahi!”
tungkol sa may-akda
Manunulat ng Lathalain (2024-2025)
BAITANG 12 HUMSS
Mga Organisasyong Sinasalihan: Student Affairs Committee
Taga-anyo (2024-2025)
BAITANG 11 STEM
Mga Organisasyong Sinasalihan: Adeodatus Scholarship Organization
Taga-anyo (2024-2025)
BAITANG 11 STEM
Mga Organisasyong Sinasalihan: Supreme Student Council, Advertising Core Committee
Punong Tagalarawan (2024-2025)
BAITANG 12 STEM
Mga Organisasyong Sinasalihan: Leadership Initiative for Formation and Excellence, Adeodatus Scholarship Organization, Sustainability Council, Augustinian International Students Organization
Tagalarawan (2024-2025)
BAITANG 11 STEM
Mga Organisasyong Sinasalihan: Adeodatus Scholarship Organization