CSA-GVT, inapula ang liyab ng BA sa semifinals ng ISSA, 3-0
CSA-GVT, inapula ang liyab ng BA sa semifinals ng ISSA, 3-0
SAMANTHA GANOTICE • ISPORTS • 1 minutong babasahin · Oktubre 20, 2025
HARANG. CSA-GVT, nakaabang at nakatutok sa puwesto, handang salubungin ang serve ng kalabang BA.
Kuha ni SEAN NIGEL GUTIERREZ; Ulat ni SEAN NIGEL GUTIERREZ
Sinupil ng Colegio San Agustin-Makati Girls Volleyball Team (CSA-GVT) ang langkay ng Beacon Academy (BA), 25-12, 25-14, 25-20, sa kanilang makapagpigil-hiningang pagtutuos sa semifinals ng torneong Inter-Scholastic Sports Association (ISSA) noong ika-16 ng Oktubre sa CSA Gymnasium.
Maagang bumuwelta ng panalo ang CSA-GVT kontra BA sa iskor na 14-5 pagkatapos ang walang patid na serye ng mga puntos.
Sa kasamaang-palad, sa kalagitnaan ng unang set ay hindi nakapagtuloy sa laro ang kanilang co-captain na si Martha Sison (10E) sanhi ng injury ng kanyang paa, kaya siya ay pinalitan ni Aeryn Ison (10H) bilang setter. Sa halip ng dismaya at pagbabago sa takbo ng laro, nanatiling makisig ang CSA-GVT na nagresulta sa pagkawagi sa unang set na may iskor na 25-12.
HATAW. Kristen Tabora (10H), nakaposisyong simulan ang laban sa kanyang matinding serve.
Kuha ni SEAN NIGEL GUTIERREZ; Ulat ni SEAN NIGEL GUTIERREZ
Nang sumapit ang ikalawang set, agarang nagpakitang-gilas si Eliana Salcedo (11A), na hindi nag-atubiling manguna sa opensa ng koponan, at lumagda ng apat na service aces sa kabuuan ng set. Dinagdagan naman ito ng CSA-GVT ng siyam na puntos, sa tulong ng mga mapagkakatiwalaang block ni Samantha Gabrido (11C), 11-3, habang nalugmok ang BA sa sariling mga error.
Nagtapos ang ikalawang set sa isang mabagsik na service ace ng kanilang team captain na si Annika Pascua (11C) na humantong sa iskor na 25-14.
Sa gitna ng ikatlong set, umarangkada ang mabisang estratehiya ng setter ng BA, na nakatungtong sa lamang na apat na puntos, 15-11. Inangkop nila ang kanilang laro sa opensa ng CSA-GVT at ginamit ang mga puwang sa depensa upang makalikom ng puntos.
Lalong uminit ang ihip ng hangin nang tumabla sa puntos ang dalawang panig sa mga huling sandali ng ikatlong set, 20-20. Gayunpaman, nanatiling matapang at uhaw sa tagumpay si Pascua sa kanyang mahinahong disposisyon sa kabila ng lumalakas na depensa ng BA, para sa koponan ng CSA-GVT.
Sa huling mga segundo ng laro, ipinamalas ni Ison ang kanyang diskarte nang siya ay naglayag ng hindi inaasahang drop ball, 25-20, bilang punto na humantong sa pinakaaasam na panalo ng CSA-GVT sa semifinals ng ISSA.
“Mas gagalingan po namin para mas marami pong championship ang maibibigay namin kay Coach, sa parents, sa amin, at para sa buong CSA community,” saad ni Pascua kaugnay sa inaasahan niya mula sa koponan.
Aabante na sa finals ang CSA-GVT sa torneo sa Oktubre 25, laban sa Child of Jesus Prague School (CJPS) upang masungkit ang tropeo baon ang suporta ng buong pamayanang Agustino.
LABAN, CSA. Mga manlalaro ng CSA-GVT, nagsanib-lakas sa gitna upang makabawi sa puntos at muling sindihan ang apoy ng kanilang koponan.
Kuha ni SEAN NIGEL GUTIERREZ; Ulat ni SEAN NIGEL GUTIERREZ
Manunulat ng Isports (2024-2025)
BAITANG 11 STEM
Punong Tagalarawan (2025-2026)
BAITANG 12 STEM
Mga Organisasyong Sinasalihan: Adeodatus Scholarship Organization
Punong Taga-anyo (2025-2026)
BAITANG 12 STEM
Mga Organisasyong Sinasalihan: Adeodatus Scholarship Organization, Advertising Core Committee, INNOVUS STEM Organization
Katuwang na Taga-anyo (2025-2026)
BAITANG 12 STEM
Mga Organisasyong Sinasalihan: Supreme Student Council, Advertising Core Committee