JUAN MIGUEL RUBIALES • AGHAM AT TEKNOLOHIYA • 8 min read · Nobyembre 10, 2024
AGHAM PARA SA BAYAN. Sa pagdiriwang ng World Science Day for Peace and Development, anim na Pilipinong siyentista ang kinilala ng The Asian Scientist 100 para sa taong 2024, isang makulay na pagpapatibay sa kanilang mga hindi matatawarang ambag sa agham at teknolohiya na tanglaw tungo sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran ng lahat ng tao.
Grapiks ni CHRISTINE MERRANO, ANDREA SERRANO, Mga larawan mula sa ASIAN SCIENTIST, DE LA SALLE UNIVERSITY, PHILIPPINE GENOME CENTER, REINAREYES.COM, UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES, WOMEN IN GLOBAL HEALTH.
Alinsunod sa napagkasunduan ng mga kasapi ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) noong 1999 World Conference on Science sa Budapest, ipinagdiriwang ang Pandaigdigang Araw ng Agham tungo sa Kapayapaan at Kaunlaran o World Science Day for Peace and Development tuwing ika-10 ng Nobyembre.
Tampok ngayong taon ang temang “Why Science Matters – Engaging Minds and Empowering Futures.” Binibigyang-diin ng tema ang panawagan upang gamitin ang agham na maging kasangkapan sa paglutas sa mga suliraning kinakaharap ng ating mundo, at may sagot diyan ang mga Pilipino.
Ang tugon ng sambayanang Pilipino sa panawagang ito ay makikita sa mga makabagong imbensyon at teknolohiya hanggang sa mga solusyon sa mga problemang pangkalusugan at pangkapaligiran na sila namang pinarangalan at ginawaran ng The Asian Scientist 100 na kumikilala sa 100 na mga siyentista mula sa iba’t ibang panig ng Asya kada taon.
Upang bigyang-pansin ang pakikibaka ng sambayanan sa larangan ng agham tungo sa pag-unlad, narito ang anim na Pilipinong pinarangalan ng The Asian Scientist 100 ngayong taong 2024.
MULA SA REINAREYES.COM
Reinabelle Reyes
Si Dr. Reinabelle Reyes ay isang Pilipinong astrophysicist at data scientist na nakatuklas sa 900 obscured quasar. Ang quasars ay tinataguriang kalagitnaan ng iba pang mga galaxy na madalas ay naglalaman ng isang malaking black hole. Kadalasang nagmumula sa mga supermassive black hole sa gitna ng mga malalayong kalawakan. Ang mga ito rin ay may kakayahang magbuga ng napakatinding liwanag na lumalampas pa sa liwanag ng buong kalawakan.
Si Dr. Reyes ay ipinanganak at lumaki sa Pilipinas, at nagtapos ng kanyang Bachelor of Science in Physics bilang summa cum laude sa Ateneo de Manila. Matapos magtapos, kumuha siya ng Master’s degree sa Particle Physics sa Abdus Salam International Center for Theoretical Physics sa Italya, bago siya magtuloy sa Princeton University sa Estados Unidos upang kumuha ng PhD sa Astrophysics.
Ang kanyang mga pag-aaral at kontribusyon sa agham ay nagbigay daan sa kanya upang makatanggap ng maraming prestihiyosong gantimpala, kabilang na ang Chambliss Astronomy Achievement Student Award, isang mataas na parangal na ibinibigay ng American Astronomical Society at ngayon, ang pagkilala sa kanya bilang isa sa Asia's 100 Scientists para sa taong 2024.
Sa kanyang mga talumpati at aktibidad, binibigyang-diin ni Dr. Reyes ang kahalagahan ng agham at teknolohiya sa pagtugon sa mga hamon ng makabagong panahon, at hinihikayat ang mga kabataan na gamitin ang makabagong teknolohiya upang mapalawak ang kanilang kaalaman at magtagumpay sa larangang ito.
MULA SA WOMEN IN GLOBAL HEALTH
Lourdes Capito
Si Dr. Lourdes Capito ay isang kilalang obstetrician-gynecologist sa Pilipinas na nag-alay ng kanyang karera sa pagpapabuti ng kalusugan ng kababaihan, lalo na sa larangan ng pagpaplano ng pamilya at reproductive health.
Noong 2009, naging pangulo si Dr. Capito ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society, kung saan inilathala niya ang Clinical Practice Guidelines ukol sa mga pagpapatupad ng etika sa pagsasagawa ng mga gawain bilang ObGyn, pati na rin ang mga materyales para sa adolescent health education sa pakikipagtulungan sa Department of Education. Aktibo rin siyang nanguna sa kampanya ng Philippine Society for Responsible Parenthood upang mabawasan ang adolescent pregnancy. Nakamit ito sa pamamagitan ng paglaban upang mawaksihan ang parental consent requirement para sa contraceptives para sa mga menor de edad noong taong 2019.
Bilang dating Pangulo ng ObGyn Department sa Philippine General Hospital (2007-2012), pinangunahan ni Dr. Capito ang pagbuo ng isang fellowship at masteral training program sa family planning, pati na rin ang pagsasanay sa subdermal implants na pinondohan ng gobyerno at mga internasyonal na organisasyon tulad ng United Nations Population Fund.
Bukod pa dito, kinilala rin si Dr. Capito dahil sa dami ng kanyang mga nailathalang pananaliksik tungkol sa reproductive health, kabilang na dito ang mga akdang “Ethical guidelines in obstetrical and gynecological practice” at pati na rin “Gestational trophoblastic disease: The Philippine experience.”
Pinaninidigan niya ang kanyang adbokasiyang pangalagaan ang bawat mamamayan mula sa sinapupunan hanggang sa kanilang huling hantungan.
MULA SA PHILIPPINE GENOME CENTER
Maria Corazon De Ungria
Si Dr. Maria Corazon A. De Ungria ay isang kilalang microbiologist at forensic geneticist sa Pilipinas na naglilingkod bilang isa sa mga nangungunang siyentipiko sa bansa. Matapos makumpleto ang kanyang doctorate degree sa microbiology mula sa University of New South Wales at higit 10 taon ng pagsasanay sa ibang bansa, bumalik siya sa Pilipinas noong 1998 upang itaguyod ang pag-unlad ng agham at teknolohiya sa kanyang sariling bayan.
Bilang pinuno ng DNA Analysis Laboratory ng Natural Sciences Research Institute sa UP Diliman, pinangunahan niya ang mga pananaliksik sa human genetic diversity at forensic DNA technology. Kasabay nito, siya rin ang direktor ng Program on Biodiversity, Ethnicity, and Forensics sa Philippine Genome Center, kung saan nagpakadalubhasa siya sa paggamit ng DNA para sa human identification sa mga criminal investigations. Ang kanyang trabaho sa forensic DNA ay nagbunga ng Rule on DNA Evidence na ipinatupad ng Supreme Court noong 2007 at ginagamit ngayon sa mga korte sa buong bansa.
Bukod sa kanyang mga kontribusyon sa pananaliksik, aktibo rin si Dr. Ungria sa pagsusulong ng mga polisiya sa agham at teknolohiya, at sa pagbibigay ng boses para sa mga kababaihang siyentipiko. Siya ay naging National Fellow ng L’Oreal-UNESCO Women in Science Program noong 2011 at patuloy na nagsusumikap na hikayatin ang mas maraming kabataan, lalo na ang mga batang babae, na ipursige ang karera sa agham.
Naniniwala si Dr. Ungria na mahalaga ang pagbibigay ng sapat na suporta sa mga siyentipiko sa bansa, partikular sa mga kababaihang nagnanais pagsabayin ang pamilya at karera. Sa kanyang pananaw, ang isang epektibong lider ay dapat magpakita ng halimbawa at magsilbing inspirasyon upang hikayatin ang iba na maging instrumento ng pagbabago.
MULA SA DE LA SALLE UNIVERSITY
Charlle Sy
Si Charlle L. Sy ay isang kilalang eksperto sa larangan ng Industrial Engineering, partikular sa systems thinking, system dynamics modeling, at robust optimization techniques. Isa siya sa mga nangungunang mananaliksik na nagtutulak ng inobasyon sa paggamit ng mga micro-hydro systems bilang alternatibong mapagkukunan ng enerhiya, naglalayong pataasin ang kahusayan ng renewable energy generation. Dahil sa kanyang natatanging kontribusyon sa agham, kinilala siya bilang isa sa mga nagwagi sa prestihiyosong Underwriters Laboratories-ASEAN-U.S. Science Prize for Women sa mid-career scientist category.
Sa kasalukuyan, siya ay nagsisilbing Associate Professor ng Industrial Engineering sa De La Salle University. Natamo niya ang kanyang Bachelor of Science at Master of Science degrees sa ilalim ng ladderized program ng parehong unibersidad, at ipinagpatuloy ang kanyang Doctor of Philosophy degree sa Industrial & Systems Engineering mula sa National University of Singapore. Ang kanyang mga gawaing pananaliksik ay nakatuon sa pagpapabuti ng production at logistics planning gamit ang mga advanced na metodolohiya, na nagbibigay ng malaking ambag sa pag-unlad ng agham at teknolohiya sa rehiyon.
Patuloy niyang pinauunlad ang kanyang larangan sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa akademya at pananaliksik, habang nagsisilbing inspirasyon sa mga kapwa mananaliksik at mag-aaral na ituloy ang agham bilang isang instrumento para sa positibong pagbabago.
MULA SA ASIAN SCIENTIST
Christopher Monterola
Si Dr. Christopher Monterola ay isang nangungunang siyentista sa larangan ng Computational Physics, Predictive Analytics, at Machine Learning, na kilala sa kanyang natatanging kontribusyon sa agham at teknolohiya. Siya ang kasalukuyang Head ng Aboitiz School of Innovation, Technology, and Entrepreneurship (ASITE) at Executive Managing Director ng Analytics, Computing, and Complex Systems (ACCeSs) Laboratory sa Asian Institute of Management (AIM).
Sa kanyang karera, si Dr. Monterola ay nakapaglimbag ng higit sa 100 peer-reviewed na artikulo sa mga larangang gaya ng Computational Physics, Neural Networks, Complex Systems, at Predictive Analytics. Namuno siya sa mga multi-milyong dolyar na proyekto sa pananaliksik, na nagbigay-daan sa mahahalagang inobasyon at solusyon para sa parehong pampubliko at pribadong sektor, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang bansa.
Bago siya naging bahagi ng AIM, nagsilbi si Dr. Monterola bilang Senior Scientist at founding head ng Complex Systems group sa Institute of High Performance Computing, A*STAR, Singapore. Naging Adjunct Senior Research Fellow rin siya sa Complexity Institute ng Nanyang Technological University (NTU), Singapore, at nagturo sa University of the Philippines-Diliman. Nagkaroon din siya ng postdoctoral fellowship sa prestihiyosong Max Planck Institute for the Physics of Complex Systems sa Dresden, Germany.
Bilang pagkilala sa kanyang mga natatanging kontribusyon, iginawad kay Dr. Monterola ang Achievement Award mula sa National Research Council of the Philippines noong 2008, at noong 2011, siya ay kinilala bilang Outstanding Young Scientist (OYS) ng National Academy of Science and Technology (NAST). Noong 2020, siya ay ginawaran ng titulong Academician at perpetual member ng NAST, ang pinakamataas na parangal sa larangan ng agham sa bansa, bilang pagkilala sa kanyang mahalagang papel sa pagpapaunlad ng agham at teknolohiya sa Pilipinas.
Patuloy niyang isinusulong ang inobasyon at kaalaman, habang nagiging inspirasyon sa mga kapwa siyentista at kabataang Pilipino na magtagumpay sa kanilang mga karera sa agham at teknolohiya.
MULA SA UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES
Carmencita David-Padilla
Si Dr. Carmencita David-Padilla ay isa sa mga nagsulong ng Newborn Screening Act of 2004 at pagsusulong ng Rare Diseases Act of the Philippines, na naglalayong mapabuti ang kalusugan ng mga pasyente na may bihirang karamdaman. Siya rin ay nakilala para sa kanyang pagsisiyasat ukol sa Genetic Basis of Homosexuality, na nagbigay-linaw sa kalikasan ng genetika ng mga kasapi ng pamayanang LGBTQ+.
Bilang pagkilala sa kanyang mga naiambag, pinarangalan siya bilang Academician ng National Academy of Science and Technology noong 2008. Siya rin ay kinilala bilang isa sa 100 Most Influential Filipina Women in the World noong Oktubre 2013 ng US-based Female Women’s Network. Kabilang sa kanyang mga natanggap na parangal ay ang Dr. Paulo C. Campos Award for Medical Research (2013), Most Outstanding Pediatrician ng Philippine Pediatric Society (2013), at ang Outstanding Science Administrator Award (2012). Siya rin ay pinarangalan bilang Outstanding Filipino Physician noong 2007 ng pinagtuusang proyekto ng JCI, Senate of the Philippines at Department of Health (DOH).
Si Dr. Carmencita Padilla ay isang Professor ng Pediatrics sa College of Medicine, University of the Philippines (UP) Manila. Siya rin ang Executive Director ng Philippine Genome Center, UP System; Director ng Newborn Screening Reference Center sa National Institutes of Health (NIH), UP Manila; at Interim Director ng Institute of Health Innovation and Translational Medicine ng Philippine California Advanced Research Institutes sa ilalim ng Commission on Higher Education.
Sa kanyang halos apat na dekadang paglilingkod, si Dr. Padilla ay patuloy na nagtataguyod ng agham at kalusugan, nagsisilbing huwaran para sa susunod na henerasyon ng mga siyentista at doktor, at nagsusulong ng mas makabago at makatarungang serbisyong medikal sa Pilipinas.
Ang mga Pilipinong siyentistang ito, kabilang sina Dr. Reinabelle Reyes, Dr. Lourdes Capito, Dr. Maria Corazon De Ungria, Charlle Sy, Dr. Christopher Monterola, at Dr. Carmencita Padilla, ay hindi lamang nagpapakita ng kahusayan at inobasyon sa kani-kanilang larangan; sila rin ay nagsisilbing inspirasyon at halimbawa ng dedikasyon sa agham bilang instrumento ng pagbabago at pag-unlad.
Ang kanilang mga pagsusumikap ay patunay na ang agham ay isang mahalagang kasangkapan sa pagkamit ng kapayapaan, at kaunlaran, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo.
Sa temang “Why Science Matters – Engaging Minds and Empowering Futures,” ipinagdiriwang ng mga siyentistang ito ang diwa ng Pandaigdigang Araw ng Agham tungo sa Kapayapaan at Kaunlaran. Sa kanilang pagsisikhap upang makamit ang kanilang mga imbensyon, pananaliksik, at adbokasiya, isinusulong nila ang mas maunlad at mas inklusibong hinaharap. Hinihikayat tayo ng kanilang mga kuwento na magpatuloy sa pagsaliksik at paggamit ng agham bilang sagot sa mga hamon ng ating panahon na isang pagkilos tungo sa isang mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.
tungkol sa may-akda
Pangalawang Patnugot; Patnugot ng Agham at Teknolohiya
GRADE 10 STUDENT
Mga Organisasyong Sinasalihan: Supreme Student Council, LIFE, Adeodatus Scholarship Organization, Grade 10 Technicals Committee
Taga-disenyo
GRADE 11 STEM
Taga-disenyo
GRADE 11 STEM