OSCAR "OCA" G. MALAPITAN
19th Congress
(Member, August 2022 - March 2024)
19th Congress
(Member, August 2022 - March 2024)
SEP
27
2022
Seconding speech for CONRADO MASONSONG ESTRELLA III for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Agrarian Reform
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 7, First Regular Session
“Mr. Chair, esteemed colleagues in this august Chamber.
Isang malaking karangalan po sa akin na pangalawahan ang pag-endorso para sa konpirmasyon ng paghirang kay dating Kongresman Conrado Estrella III bilang Kalihim ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan.
Marami po sa atin ang nakaka-alala na isang Conrado Estrella din ang dating itinalaga ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos para pangunahan ang pagpapatupad ng programa para sa repormang pansakahan sa ilalim ng Republic Act No. 3844 na kilala din bilang Agricultural Land Reform Code. Kung kaya hindi po naging kataka-taka para sa akin na mula sa bagong henerasyon ng mga Estrella ang muling pagkatiwalaan ng ating Pangulong Bongbong Marcos na pamunuan ang Kagawaran dahil nasa dugo at puso na ng mga Estrella ang pangalagaan ang interes ng ating mga magsasaka at iangat ang antas ng pamumuhay mula sa kanilang abang kalagayan.
Ginoong Chair, mahal kong kasamahan sa Komisyong ito, marahil hindi na po kinakailangan pang i-isa-isahin ko ang mga naging napagtagumpayan at ambag ni Secretary Estrella III sa larangan ng pansakahan. Iyan naman po ay nasa kanyang track record na atin nang napag-aralan. Sapat na po siguro na sabihin ko na sa taglay niyang katangian at kwalipikasyon, ang ating Kagawaran ng Repormang Pansakahan, maging ang ating mga magsasaka ay mapupunta sa mabuting kalagayan. Ang tanging dalangin ko ay sana’y magpatuloy ang mga naumpisahan niyang pagbabago na layong mapagaan ang buhay ng ating mga kababayang magsasakang benepisyaryo ng CARP, na bukod tangi na makamit ang kanilang malaon na minimithing pangarap ang maging tunay na may-ari ng lupang kanilang sinasakahan.
Maraming Salamat po, Mr. Chair, my dear colleagues.”
SEP
27
2022
Seconding speech for MA. ANTONIA “TONI” YULO-LOYZAGA for the confirmation of her ad interim appointment as Secretary, Department of Environment and Natural Resources
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 7, First Regular Session
“Mr. Chair, mga mahal kong miyembro ng Komisyon, sa panahon ngayon kung kailangan bigyan ng lalong halaga ang ating kapaligiran, tama lang na ikumpirma si Ms. Antonia Yulo-Loyzaga bilang kalihim ng DENR.
Ang galing at karanasan ni Secretary Toni sa pangangalaga sa kapaligiran ay walang kaparis. Isang honor graduate ng Ateneo De Manila, nilaan ni Secretary Toni and kanyang oras sa mga programa at mga organisasyon na tumatalakay at sumusulong sa konserbasyon. Higit pa, marunong si Secretary Toni sa larangan ng “Environmental Disaster and Risk Management”, at kita ito sa dami ng kanyang papel na inakda ukol dito. Sa madaling salita, si Secretary Toni ay awtoridad sa larangang ito. Kung kaya’t ito’y lalong rason sa kanyang kumpirmasyon. Kung kaya sa akin pong palagay, ngayon, sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, ay napakapalad po nating pagkatiwalaan si Toni na pamunuan ang DENR.
Ginoong Chair, at mga mahal kong kasamahan sa Komisyong ito, isang malaking karangalan at lubos po ang aking galak na pangalawahan ang pag-endorso sa kumpirmasyon ng paghirang kay Ms. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga bilang kalihim ng DENR.”
SEP
28
2022
Seconding speech for AMENAH FLAMINIANO PANGANDAMAN for the confirmation of her ad interim appointment as Secretary, Department of Budget and Management
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 8, First Regular Session
“Mr. Chair, at sa mga minamahal kong miyembro ng Komisyon na ito, buong loob po akong humaharap ngayon upang taos puso kong segundahan ang pagkumpirma kay Amenah Flaminiano Pangandaman bilang Kalihim ng Budget at Pamamahala. Si Mina, kung tawagin ng kanyang pamilya at kasamahan sa serbisyo publiko, ay nakapagpakita ng angking talino sa larangan ng ekonomiya at numero, bilang nakapagtapos ng Master in Development Economics sa Unibersidad ng Pilipinas, kung saan siya’y naging dean’s lister. Pinili agad gamitin ni Secretary Mina ang kanyang galing sa numero sa serbisyo publiko bilang consultant at chief of staff sa ilang mga kasamahan kong mambabatas, tulad nalang nina dating Senate President Edgardo Angara, at ngayo’y Senate President Pro Tempore Loren Legarda. Sa katotohanan ay ni hindi ko po kailangang tumayo dito upang ipagmalaki ang integridad ni Mina bilang lingkod bayan, dahil sa karamihan, kundi lahat, ng kanyang nakatrabaho ang kayang maging testigo sa kanyang galing at integridad.
Ngunit sa ngayon, ako’y nabigyan ng pagkakataon upang ibigay ang aking suporta, walang takot at taos puso ko po ito maibibigay ngayon upang si Sec. Amenah Flaminiano Pangandaman ay makumpirma bilang ating Kalihim ng DBM.
Maraming salamat po.”
NOV
22
2022
Seconding speech for MANUEL MANLIGAS BONOAN for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Public Works and Highways
Plenary Session No. 9, First Regular Session
Mr. Chair, at sa mga minamahal naming kasapi ng Komisyong ito.
Ang pangalang Manuel Manligas Bonoan ay nagsilbing institusyon sa Kagawaran ng DPWH. Isang produkto ng Mapua Institute of Technology na nagtapos ng kursong Civil Engineering. Agad na sumabak si Secretary Manny sa Kagawaran ng dating Department of Public Works and Highways noong administrasyon ni Pres. Ferdinand Marcos Sr. At matapos nito ay mabilis na umangat sa kanyang posisyon sa dating Ministry of Public Highways hanggat makamit n’ya ang posisyon ng Chief Civil Engineer. Si Secretary Manny ay nagsilbi ding Assistant Secretary ng DPWH noong 1987, hanggat malagay siya bilang Undersecretary ng Kagawarang ito, at minsa’y naupo din bilang Officer-in-Charge ng DPWH noong 2007.
Sa madaling salita, malawak ang karanasan ni Secretary Manny sa paggawa at pagpapanatili ng mga daan. Itong karanasan din ni Secretary Manny ang naging dahilan ng kanyang pagkamit ng “Most Outstanding Civil Engineer Award” noong 2006, pati na din ang “Outstanding Alumnus Award ng Government Service”. Kung kaya’t hindi na dapat pagtakhan kung bakit si Secretary Manny ang naatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos bilang kalihim ng DPWH. At sa mga rason ding ito taos puso ko pong sinesegundahan ang pagkumpirma kay Secretary Manny bilang Kalihim ng DPWH.
Maraming salamat po, Mr. Chair.
NOV
23
2022
Seconding speech for LUCAS PURUGGANAN BERSAMIN for the confirmation of his ad interim appointment as Executive Secretary, Office of the President
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 10, First Regular Session
“Mga minamahal kong miyembro ng Commission on Appointments.
Itinuturing kong isang karangalan na i-endorso si Lucas P. Bersamin upang makumpirma bilang ating Executive Secretary.
Mula pagkabata ay nagpakita si Lucas ng angking galing at talino, nang siya’y grumadwayt na Valedictorian sa mababa at mataas na paaralan ng St. Joseph’s Minor Seminary. Nagpatuloy si Lucas magtapos ng Political Science sa University of the Philippines at ang pag-aabogasya sa University of the East. Matapos, at sa wakas, ay natapos ang buhay estudyante ni Lucas nang makamit n’ya ang 9th place sa 1973 Bar Examinations.
Matapos ang kanyang maunlad at mapalad na pag-a-abogado, piniling i-alay ni Lucas ang kanyang buong buhay sa serbisyo publiko sa kanyang paninilbihan sa hudikatura. Nagsimula si Lucas bilang isang RTC-Judge sa Quezon City. Pagkatapos ay nahirang si Lucas bilang miyembro ng Court of Appeals, Supreme Court, hangga’t sya’y mahirang bilang ang ika-25th na Chief Justice lamang ng ating bansa. Itong angking galing at talino ni Lucas din ang naging rason kung bakit hinikayat s’ya ni dating Pangulong Duterte upang manilbihan bilang Chairperson ng GSIS.
Ngunit higit pa sa lahat ng karangalan na natanggap ni Lucas, at personal ko pong naranasan ito, siya ay mabuting tao, madaling kausap, madaling anyayahan, at malambot ang puso sa tao. Kaya’t tinuturing kong malaking karangalan n’ung ako’y sumumpa sa kanya noong nahalal ako bilang mayor ng Caloocan.
Ngayon ay humihingi ako ng dispensa kay Lucas dahil hindi pa s’ya nakakapagretiro ng tuluyan, dahil kinagagalak kong i-endorso ang pagkumpirma sa kanya bilang Executive Secretary.”
DEC
07
2022
Seconding speech for IVAN JOHN ENRILE UY for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Information and Communications Technology
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 12, First Regular Session
“Mga minamahal kong mga miyembro ng Commission on Appointments.
Ikinagagalak kong segundahan ang kumpirmasyon ng ad interim appointment ni Atty. Ivan John Enrile Uy bilang ating Secretary ng Department of Information and Communications Technology.
Subalit siya’y abogadong produkto ng Unibersidad ng Pilipinas, nagawang pag-isahin ni Ivan ang kaniyang kadalubhasaan sa batas at ng industriya ng teknolohiya, na araw-araw nakikita ng pagbabago at pag-unlad. Tulad ng teknolohiyang pang impormasyon, patuloy sa pagsisikap at pag-aaral si Ivan tungkol sa paksang ito, dito at sa ibang bansa.
Ang husay at adbokasiya din ni Ivan sa pag-unlad ng imprastraktura ng teknolohiya ang naging rason para siya’y naatasang gampanan ang posisyong Chairperson ng Commission on Information and Communications Technology, na noong termino niya ay nalampasan ng Pilipinas ang India bilang pinaka-magandang bansang pagtatayuan ng call center sa buong mundo. Ang galing ni Ivan din ang rason kung bakit, sa mga ilang beses na, na-imbitahan siya na magsilbing Head Consultant – siya’y naatasang suriin at paunlarin ang ating Automated Elections.
Nang dahil sa mga rasong ito, kampante ako na higit pa ang kwalipikasyon, integridad, at talino ni Ivan upang patakbuhin ang DICT.”
DEC
07
2022
Seconding speech for RAPHAEL PERPETUO MERCADO LOTILLA for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Energy
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 12, First Regular Session
“Mga minamahal kong Miyembro ng Commission on Appointments, ikinagagalak ko pong segundahan ang pag-endorso sa ad interim appointment ni Raphael Lotilla, o si Popo kung tawagin, bilang Kalihim ng Department of Energy.
Bihira ka makakita ng isang taong sing-edukado o sing-husay ni Popo. bilang isang iskolar, nagtapos si Popo ng kanyang kolehiyo at pag-a-abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas, kung saan siya'y ginawaran ng Dean's Medal for Academic Excellence. Tinapos din ni Popo ang kanyang masters of law sa University of Michigan.
Hindi bago kay Popo ang buhay ng isang lingkod bayan. Nagsimula siya bilang Legal Consultant dito sa Senado, na kabilang sina dating Senate President Salonga at Angara, ay iilan lamang sa mga mambabatas na umimbita kay Popo upang makatrabaho siya. Hindi na rin bago kay Popo na mamahala sa industriya ng enerhiya, dahil dati na rin siyang nanungkulan bilang Secretary of Energy n’ung panahon ni dating President Arroyo.
Ngayon naman ay muling ipinagkatiwala ni President Bong Bong Marcos ang mga pangangailangan ng ating mga mamamayan sa pag-pailaw ng kanilang mga tahanan at lungsod. Ako din ay buong tiwala sa kakayahan at talino ni Secretary Popo na magagampanan nya muli ang kanyang mga responsibilidad bilang Secretary of Energy, para sa ikabubuti ng ating mamamayan.
Dahil sa mga rasong ito, taos puso k‘ung sini-segundahan ang kumpirmasyon ng ad interim appointment ni Popo Lotilla bilang Secretary ng Department of Energy.”
DEC
07
2022
Sponsorship speech for RENATO UMALI SOLIDUM JR. for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Science and Technology
Plenary Session No. 12, First Regular Session
Maraming Salamat.
Magandang hapon po sa inyo, Mr. Chair, sa ating mga kasamahan sa Komisyon at panauhin.
Akin pong karangalan na pangunahan ang pag-endorso sa pagkumpirma sa ad interim appointment ni Dr. Renato U Solidum Jr., bilang Kalihim ng Department of Science and Technology.
Sa simula pa lamang ng kanyang pagta-trabaho ay pinili na ni Secretary Solidum or Rene, kung siya’y tawagin, sa DOST, kung saan siya’y nagsikap magtrabaho at magpakita ng kanyang angking galing at talino kung kaya’t patuloy ang pag-angat ng kanyang posisyon.
Nagsimula si Secretary Rene sa DOST- PHILVOCS, kung saan ginampanan niya ang iba’t ibang posisyon sa ahensya hanggat siya’y maging Director nito noong 2003, na kung saan pinamahalaan niya ang ating mga ahensyang tumataguyod para sa pag-aaral ng siyensya - Disaster Risk Reduction and Climate Change, at serbisyong pang-agham at teknolohiya. Si Secretary Rene din ay nanilbihan bilang Undersecretary ng DOST bago siya naanyayahan o naimbitahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Ito ang mga adbokasiyang isinusulong ni Secretary Rene kahit na noong simula pa lamang ng pandemya. Sa kasagsagan ng pandemya, pinangunahan ni Secretary Rene ang transpormasyon ng mga aplikasyon para sa mga scholarship ng mga kabataan mula sa isang manual na proseso na ginawa nang online, pati na din ang pamunuan niya ang mga virtual na pagdiriwang ukol sa ating National Science and Technology Week.
Nararapat nating ipagmalaki na kinikilala ding eksperto si Secretary Rene ng iba’t ibang bansa. Ito’y makikita sa mga panahon kung saan siya’y naanyayahan ng ilang mga international na mga komiteng tumatalakay sa siyensya ng iba’t ibang organisasyon at asosasyon, tulad ng United Nations, UNESCO, ASEAN, at mga iba pa.
Bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa siyensya at serbisyo publiko, ilang beses na ding ginawaran ng mga iba’t ibang parangal si Secretary Rene. Ang ilan sa mga ito ay ang Presidential Citation for Public Service, ang Presidential Lingkod Bayan Award ng Civil Service Commission, ang Professional of the Year sa larangan ng Heolohiya ng Professional Regulation Commission, ang Excellence Award for Government Service ng Philippine Federation of Professional Associations, at ang Presidential Career Executive Service Award ng Career Executive Service Board.
Ako mismo ay testigo sa galing at malasakit ni Secretary Rene. Ipinagmamalaki ko na si Secretary Rene, at ang DOST ay kasama at kabakas namin sa Unang Distrito ng Caloocan. Pinangungunahan ng DOST at ni Secretary Rene, kasama ang lungsod ng Caloocan, ang ilang mga programang naglalayon para sa pag-unlad ng aming mga nasasakupan, katulad ng Small Enterprise Technology Upgrading Program o SETUP, ang Bigay Buhay Multipurpose Cooperative, na isang programang nagsusulong ng mga oportunidad na makapagtrabaho ang mga mamamayang may kapansanan.
Binigyan din ni Secretary Rene at ng DOST ang lungsod ng Caloocan ng mga kagamitan para sa Solid Waste Management and Urban Agriculture, ng Enhanced Nutribun Technology, para sa aming mga mag-aaral, at STARBOOKS para sa mga paaralan at aklatan. Ikinagagalak ko ding i-anunsyo na ang Regional Science and Technology Week ay gaganapin sa University of Caloocan ngayong Disyembre. Ito’y mga programang nais at patuloy na isusulong ni Secretary Rene, na sana’y makarating sa lahat o sa iba’t ibang parte ng ating bansa.
Lahat ng ito’y nagawa na, at patuloy na isusulong, ni Secretary Rene sa loob ng kanyang tatlumpu’t walong (38) taong paninilbihan. Kung kaya’t buong puso ko pong pangungunahan ang rekomendasyon para sa kumpirmasyon ng ad interim appointment ni DR. RENATO U. SOLIDUM, JR. bilang Kalihim ng Department of Science and Technology.
DEC
14
2022
Seconding speech for JAIME JIMENEZ BAUTISTA for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Transportation (DOTr)
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 13, First Regular Session
“Mga minamahal kong Miyembro ng Commission on Appointments.
Ikinagagalak ko na segundahan ang kumpirmasyon ng ad interim appointment ni Jaime Jimenez Bautista bilang Kalihim ng Department of Transportation.
Isa siyang produkto ng Colegio de San Juan de Letran, na nagtapos sa kursong accountancy sa rank na magna cum laude, na matapos pumasa ng CPA exam, nagtrabaho si Jimmy sa pribadong sektor, kung saan patuloy s’yang umangat hangga’t sa nahirang siyang Presidente ng Philippine Airlines, ang opisyal na “Flag carrier airline” ng ating bansa. Sa kanyang pamamahala, ginawaran ang Philippine Airlines bilang “Most Improved Airline” para sa taong 2019.
Ang galing at talino ni Jimmy ay pinansin din ng kanyang mga kasamahan sa industriya, kung kaya’t nakamit ni Jimmy ang mga prestihiyosong mga parangal sa industriya, tulad ng “Aviation’s Person of the Year Award”, “People of the Year Award”, “Tourism Personality of the Year”, at mga iba pa. Ngunit higit sa lahat, dala ni Jimmy ang kanyang hindi matitinag na integridad at malasakit sa kapwa tao. Sa bawat kumpanya na kung saan nagtrabaho ni Jimmy, agad n’yang nakukuha ang mga puso at loobin ng kanyang mga empleyado at nakatrabaho.
Ito ding malasakit ang inaasahan kong dala n’ya sa DOTr, lalo ngayon na hindi na lamang mga customers ang kanyang pagsisilbihan, kundi pati na ang buong bansa. Malaki ang tiwala ko kay Secretary Bautista, kung kaya’t walang takot at taos puso kong sinisegundahan ang kumpirmasyon ng kanyang ad interim appointment bilang Secretary ng DOTr.”
DEC
14
2022
Seconding speech for JOSE RIZALINO LARION ACUZAR for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 13, First Regular Session
“Mga minamahal kong Miyembro ng Commission on Appointments.
Ikinagagalak ko po’ng segundahan ang pagkumpirma sa ad interim appointment ni Mr. Jose Rizalino Acuzar bilang ating Kalihim ng DHSUD.
Itinaguyod ni Jerry ang kompanyang New San Jose Builders, Inc., na isa sa mga pinakamalaking construction company dito sa bansa. Kilalang expert sa industriya ng pabahay, dala ni Jerry ang kanyang malawak na kaalaman upang tugunan ang pangangailangan ng ating mamamayan.
Bagama’t ang posisyong ito ang unang sabak ni Jerry sa larangan ng serbisyo publiko, walang duda na taglay niya ang talino at karanasan upang gampanan ang posisyong ito.
Samakatuwid, hindi na kinailangan pa ni Jerry na magdalawang isip na tanggapin na pamunuan ang DHSUD, kung kaya’t ako’y nagpapasalamat sa kanya, na pinili n’yang iwanan muna ang kanyang maginhawang buhay upang makatulong sa ating mga mamamayan.
Sa gayon, buong puso ko pong sinesegundahan ang pagkumpirma sa ad interim appointment ni Mr. Jose Rizalino Acuzar bilang ating Kalihim ng DHSUD.”
DEC
14
2022
Seconding speech for ARSENIO MOLINA BALISACAN for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, National Economic and Development Authority (NEDA)
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 13, First Regular Session
“Mga minamahal kong Miyembro ng Commission on Appointments, naririto po ako ngayon para taos-pusong segundahan ang motion para sa pagkumpirma ng ad interim appointment ni Sec. Arsenio Molina Balisacan bilang Secretary ng National Economic and Development Authority.
Siya ay isa pang maipagmamalaking produkto ng Ilocos Note. Nagtapos si Arsi, kung siya’y tawagin, sa Mariano Marcos State University sa karangalang Magna Cum Laude. Nagpatuloy si Arsi sa pag-aaral sa larangan ng ekonomiya sa UP Los Baños hanggang sa matapos n’ya ang pagkadoktor sa ekonomiya sa University of Hawaii sa America. Ang mga kontribusyon ni Arsi sa akademiya, siya ay nagkamit ng maraming parangal, dito at sa mga ibang bansa.
Kahit n’ung siya’y nag-aaral pa, dineboto na ni Arsi ang kanyang buhay upang maglingkod sa bansa. Sa loob ng apatnapu’t tatlong (43) taon ni Arsi sa gobyerno, kung saan kinikilala natin si Arsi bilang ang unang Chairperson ng Philippine Competition Commission. Ngayon, na kahit batang-bata pa si Arsi sa edad na 65, inatasan s’ya ni Pangulong Bongbong Marcos na pangunahan n’ya ang NEDA. Ito’y nagsisilbing testamento sa galing, talino, at integridad ni Arsi.
Dahil sa mga kadahilanang ito, buong kumpiyansa at tiwala ako sa kanyang pamumuno. Samakatuwid, sinisegundahan ko po ang motion para sa kumpirmasyon ng ad interim appointment ni Sec. Arsenio Molina Balisacan bilang Secretary ng National Economic and Development Authority.”
FEB
01
2023
Seconding speech for ALFREDO ESPINOSA PASCUAL for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Trade and Industry
Plenary Session No. 14, First Regular Session
Maraming salamat, Mr. Chair. Sa aking mga kasama sa Komisyon, isang magandang magandang hapon po.
Isang malaking karangalan na segundahan ko ang kumpirmasyon ng isang katutubo ng Caloocan na kung tawagin ay “Batang Caloocan”, si Alfredo Espinosa Pascual bilang Kalihim ng Department of Trade and Industry.
Anak ng dating empleyado sa munisipyo at tindera sa Caloocan. Nagtapos si Fred bilang isang honor student ng Caloocan Central Elementary School. Sinundan niya ito ng kanyang pagtatapos ng high school sa UST, bilang valedictorian at scholar ng National Science Development Board sa University of the Philippines, at sa madaling salita, likas ang galing at talino ni Fred kung kaya’t hindi nakapagtataka na agad na naiimbitahan si Fred na magtrabaho o pumasok sa mga pinakamalalaki at mayayamang mga kumpanya, hindi lamang dito sa ating bansa kung hindi pati na rin sa ibang bansa.
Higit sa lahat, sinigurado ni Fred na kasabay sa kanyang pag-asenso ay ang pag-angat din ng kanyang komunidad. Nahalal si Fred bilang ika-dalawampung Pangulo ng University of the Philippines, ang kauna-unahang non-faculty na inihalal sa posisyon na ito bilang Pangulo. Ginamit ni Fred ang kanyang talino sa numero at negosyo upang magsimula sa mga proyektong nakakatulong sa paghahanap ng pondong ilalaan sa mga pagpapaayos at pagpapaganda ng unibersidad.
Gayundin sa ngayon, buo po ang aking loob sa pagmamalaki na aking sinesegundahan o pinapangalawahan ang kumpirmasyon ng ad interim appointment ni Ginoong Alfredo Espinosa Pascual, bilang Kalihim ng Department of Trade and Industry.
MAR
15
2023
Seconding speech for CHELOY E. VELICARIA-GARAFIL for the confirmation of her ad interim appointment as Secretary, Presidential Communications Office
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 16, First Regular Session
“Ginoong Chair, mga minamahal kong mga Kasamahan sa Komisyong ito,
Ikinagagalak ko pong ipahayag ang aking kagustuhan na pangalawahan ang pag-endorso para sa kumpirmasyon ng paghirang kay Ginang Cheloy Velicaria-Garafil bilang kalihim ng Presidential Communications Office.
Isa rin pong karangalan para sa akin ang ibigay ang aking suporta sa taong aking kinikilala na karapatdapat na mamuno ng nasabing opisina dahil sa kanyang angking katangian at kwalipikasyon.
Sinimulan ni Cheloy ang kanyang karera bilang isang mamamahayag ng Philippine Daily Globe. Pagkatapos ay nagtrabaho bilang contributor ng Associated Press at Central News Agency ng tatlong (3) taon, kung saan kanyang hinawakan ang mga balita na may kaugnayan sa pangkalusugan. Siya rin ay nagsilbi sa People’s Independent Media Inc. ng sampung (10) taon kung saan lubos na napanday ang kanyang kasanayan bilang isang mamamahayag.
Nagtapos ng abogasya si Cheloy sa Unibersidad ng Sto. Tomas at naging miyembro ng Integrated Bar of the Philippines matapos niyang ipasa ang 2002 Philippine bar exam. Sinimulan niya ang kanyang karera bilang isang abogado ng siya ay mahirang na Associate Provincial Prosecutor sa probinsya ng Rizal at pagkatapos ay naging State Solicitor II sa Opisina ng Solicitor General.
Simula 2012 hanggang 2018, siya ay naging isang Public Relations Practitioner at kinuha bilang Consultant ng Center for Strategy, Enterprise, and Intelligence, at ganoon din ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo at ng ating Pangulo, Ferdinand “Bongbong” Marcos noong 2016 Vice Presidential campaign.
Nagsilbi din si Cheloy sa kamara. Naging Director II sa Opisina ng Speaker of the House at itinalaga bilang Legal Staff Chief at Media Director. Hinawakan din niya ang permanenteng posisyon na Service Director sa ilalim ng Committee on Rules at naging responsibilidad niya ang mga bagay na may kaugnayan sa Rules of the House, Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation, Rules of Procedure in Impeachment Proceedings, Order of Business, Calendar of Business at marami pang kahalintulad na iba.
Noong Julyo 2022, siya ay itinalaga bilang Chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at sa maikling panahon, sinimulan niya ang mga kinakailangang reporma upang paigtingin ang maayos na serbisyo sa LTFRB, kasama dito ang pagsusulong ng interes ng sektor ng transportasyon. Matapos ang tatlong (3) buwan na pamamalagi sa nasabing opisina, siya ay hinirang bilang Undersecretary at pansamantalang tagapamuno ng Office of the Press Secretary, at pagkatapos, bilang Kalihim ng Presidential Communications Office.
Sa kabila po ng mga napagtagumpayan at naging antas o narating niya sa buhay, si Cheloy ay nanatili pa ring isang simple at mapagkumbabang tao. Wala po tayong narinig o napag-alaman na bagay na taliwas sa malinis niyang pagkatao. Sa katunayan, marami ang humahanga sa kanang profesionalismo, dedikasyon at sipag sa trabaho, pagkawang-gawa, malalim na pang-unawa, at abilidad at kakayahan sa maayos na pagganap ng mga responsibilidad o mandato ng kanyang tanggapan.
Ginoong Chair, sa taglay na katangian at kwalipikasyon ni Secretary Garafil, ako po ay nakakasiguro na ang Opisina ng Presidential Communications ay mapupunta sa maayos na kalalagayan. At dahil po diyan ay nais kong ulitin na segundahan ang pag-endorso para sa kumpirmasyon ng paghirang kay Ginang Cheloy Velicaria-Garafil bilang Kalihim ng Presidential Communications Office.
Maraming salamat po.”
MAY
16
2023
Seconding speech for REXLON TING GATCHALIAN for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Social Welfare and Development (DSWD)
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 17, First Regular Session
”Mga minamahal kong Miyembro ng Commission on Appointments.
Ikinagagalak kong segundahan ang pag-kumpirma sa ad interim appointment ni Rexlon Gatchalian bilang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development.
Ang mandato ng DSWD ay magpatupad at gumawa ng mga programang para sa kapakanan ng ating mga mahihirap at dehadong mga mamamayan. Kung kaya’t dapat pangunahan ito ng isang taong hindi lamang matalino, kundi isinasapuso din ang pangangailangan ng mga karaniwang tao.
Itong mga katangian ay isinasabuhay ni Rex. una, matalino si Rex, na siya’y nakapagtapos sa George Washington University na may parangal ng cum laude. Hindi rin maitatanggi na malawak ang karanasan ni Rex sa serbisyo publiko. Ito’y aking personal na nasaksihan nang kami’y manilbihan sa ika-15th congress noong 2004 hanggang 2007, at nitong ika-19th Congress noong 2022, bago mahirang si Rex bilang Kalihim ng DSWD.
Ngunit higit sa lahat, makatao at malapit sa puso ni Rex ang karaniwang mamamayan. Kung kaya’t hindi nakakagulat na siya, kasama na din ng kanyang pamilya, ay matagal ng pinagkatiwalaan ng Lungsod ng Valenzuela na sila’y paglingkuran. Sa ganitong paraan ay may pagkakatulad ang tatak ng aming serbisyo - kay Rex, katulad ni Cong. Oca, tao ang una.
Nang sa gayon, tiwala ako sa magiging serbisyong hatid ni Rex sa ating mga mamamayan. Taos puso ko pong sinesegundahan ang pagkumpirma sa ad interim appointment ni Rexlon Gatchalian bilang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development.”
SEP
13
2023
Seconding speech for GILBERTO COJUANGCO TEODORO JR. for the confirmation of his ad interim appointment of as Secretary, Department of National Defense (DND)
Plenary Session No. 03, Second Regular Session
Maraming salamat. Magandang hapon po.
Mga minamahal kong Miyembro ng Commission on Appointments.
Ikinagagalak kong segundahan ang pag-kumpirma sa ad interim appointment ni G. Gilberto Cojuangco Teodoro Jr. bilang Kalihim ng Department of National Defense.
Hindi p’wedeng mamaliitin ang talino, galing at karanasan ni Gibo. Siya’y nangolekta ng iba't ibang parangal noong siya'y nag-aaral ng pagka-abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas, at matapos nito ay nakamit niya ang pinakamataas na grado noong 1989 Bar Examinations. Hindi nakuntento, si Gibo din ay nagtapos ng kanyang Masters of Law sa Harvard Law School, at siya din ay nakapasa sa bar exam sa Amerika.
Ang kanyang angking galing din ay dinala ni Gibo sa serbisyo publiko, kung saan siya'y nanungkulan bilang Kinatawan ng Unang Distrito ng Tarlac noong 11th, 12th, at 13th Congress kung saan personal kong nakita at naranasan ang kanyang kakayahan. Nang hindi maaksaya ang kanyang angking galing, nanilbihan na din dati si Gibo bilang ika-33rd Secretary of National Defense, ang pinakabatang mahirang sa posisyong ito, at ika-pangalawa lamang na sibilyan. Hindi na ito nakapagtataka, sapagkat malapit sa puso at diwa ni Gibo ang ating Sandatahang Lakas ng Pilipinas, nakita sa kanyang paghirang din bilang isang Honorary Member ng PMA Class of 76, at Philippine Air Force Cadet Alumni Association. Sa mga panahong ito na kinakaharap natin, kung saan ang ating soberanya ay sinusubukan ng mga ibang bansang mapang-api, kailangan natin ng isang katulad ni Gibo na buong puso at galing manilbihan ng tapat sa ating gobyerno, at nagtitiwala ako na dala din n’ya palagi ang interes at kaligtasan ng bawat mamamayan at sundalong Pilipino.
At dahil sa lahat ng ito, sa mga minamahal kong kasapi ng Komisyong ito, isang malaking karangalan at lubos po ang aking galak na pangalawahan ang pag-endorso sa kumpirmasyon ng ad interim appointment ni G. Gilberto Cojuangco Teodoro Jr. bilang kalihim ng Department of National Defense.
SEP
13
2023
Seconding speech for ERLINDA PIÑERA UY for the confirmation of her ad interim appointment as Member, Representing the Integrated Bar of the Philippines, Judicial and Bar Council, Supreme Court of the Philippines, for a term expiring on 09 July 2027, vice Franklin J. Demonteverde
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 03, Second Regular Session
“Pinapangalawahan ko po ang mosyon ng ating Kagalang-galang na Senador Francis Tolentino at aking ganap na sinusuportahan ang appointment ni Justice Erlinda Uy bilang Miyembro ng Judicial and Bar Council na kumakatawan sa Integrated Bar of the Philippines.
Si Justice Uy ay nagtapos sa University of Santo Tomas sa kursong AB Communication Arts, nagtungo sa Ateneo De Manila School of Law para sa kanyang abogasya, at naging ganap na abogado ng maipasa niya ang 1985 Philippine Bar Examination.
Bukod pa rito, natapos niya rin ang kaniyang Master of Laws sa San Beda University-Graduate School of Law.
Matapos ang kanyang makabuluhang pag-aaral ng abogasya, siya ay nagsilbi bilang court attorney ng dating Chief Justice Marcelo Fernan sa loob ng dalawang (2) taon. Matapos nito, naging Judge din siya sa Metropolitan Trial Court ng Maynila ng anim (6) na taon at limang (5) taon naman sa Pasig Regional Trial Court. Siya rin ay naging Associate Justice sa Court of Tax Appeals kung saan siya ay naglingkod ng labing-siyam (19) na taon.
Sa kanyang mahalagang karanasan sa loob ng tatlumpu't limang (35) taon na paglilingkod sa ating Judiciary, ako ay naniniwala na si Justice Erlinda Uy ay karapat-dapat at malaki ang maitutulong sa masusing pagpili ng mga may kakayahan at integridad para sa ating Judiciary.
Maraming salamat.”
DEC
05
2023
Seconding speech for FRANCISCO PE TIU LAUREL JR. for the confirmation of his ad interim appointment as Secretary, Department of Agriculture (DA)
*(submitted in writing)
Plenary Session No. 04, Second Regular Session
“MR. CHAIR, MGA KAGALANG-GALANG NA KASAMAHAN KO SA KOMISYONG ITO.
AKO PO AY NARIRITO NGAYON UPANG IPAHAYAG ANG AKING BUONG PUSONG PAGSUPORTA AT PANGALAWAHAN ANG PAG-ENDORSO PARA SA KONPIRMASYON NG PAGHIRANG KAY GINOONG FRANCISCO TIU LAUREL, JR. BILANG KALIHIM NG KAGAWARAN NG AGRIKULTURA.
AKO PO AY NANINIWALA NA SA ILALIM NG KANYANG MAHUSAY NA LIDERATO AT MALASAKIT SA SEKTOR NG AGRIKULTURA, TIWALA PO AKO NA ITO AY MAGBUBUNGA NG MAKABULUHANG PAG-UNLAD SA ISANG SEKTONG NANGANGAILANGAN NG LUBOS NA PAGKALINGA.
ANG PAGHIRANG KAY SECRETARY TIU LAUREL AY NAGBIGAY NG PAG-ASA AT INSPIRASYON SA MARAMI NATING KABABAYAN, DAHIL SA MALALIM NIYANG PANG-UNAWA SA MGA PANGANGAILANGAN NG ATING MGA MAGSASAKA, MANGINGISDA AT NG BUONG INDUSTRIYA NG AGRIKULTURA. ANG KANYANG TAGLAY NA TALINO, KAALAMAN, KARANASAN AT KAHUSAYAN AY TIYAK NA MAGBIBIGAY DAAN SA PAGSULONG NG MODERNISASYON, PRODUKTIBILIDAD AT KITA SA SEKTOR NG AGRIKULTURA.
KAYA NAMAN AY AKING INAASAHAN NA SA ILALIM NG KANYANG PAMUMUNO AY MAGKAKAROON TAYO NG MASIGLANG KAGAWARAN NA MAGTATAGUYOD NG MGA INAASAM NA PAGBABAGO NA MAGHAHATID SA BANSA TUNGO SA ISANG MAUNLAD AT MATATAG NA SEKTOR NG AGRIKULTURA.
SUBALIT ALAM KO RIN NA SA LIKOD NG SAMU’T SARING PROBLEMA AT KONTROBERSIYA NA BUMABALOT SA KAGAWARAN NG AGRIKULTURA NGAYON, HINDI MAGIGING MADALI PARA KAY SECRETARY TIU LAUREL ANG PAGPUNO NG MGA PAGKUKULANG NG KAGAWARAN, KAILANGAN NIYA ANG TULONG NG LAHAT, KASAMA ANG BAWAT MIYEMBRO NG KOMISYONG ITO. KAYA NAMAN PO, AKO AY NANAWAGAN SA AKING MGA KASAMAHAN NA ATING TULUNGAN AT SAMAHAN SI SECRETARY TIU LAUREL, AT ITO AY KAYA NATING SIMULAN SA PAMAMAGITAN NG PAGKONPIRMA NG KANYANG PAGKAHIRANG BILANG KALIHIM NG KAGAWARAN NG AGRIKULTURA.
MARAMING SALAMAT PO.”