Bakit nila niyakap ang Islam?



Bakit nila niyakap ang Islam?

Ano ang kanilang kalagayan at buhay bago yakapin ang Islam at ano ang kanilang nararamdan ngayon pagkatapos nilang nalaman ang katotohanan at sumunod sa mga ipinag-utos ng Allah (ang Makapangyarihan at Dakila) .....

I bear witness that there is no God worthy of worship except Allah, and I bear witness that Muhammad is His Servant and Last Messenger.

posted 25 Jul 2011, 06:08 by abo abdullah   [ updated 25 Jul 2011, 06:12 ]

Ito ang mga katagang binanggit ko tungo sa landas ng kapayapaan. Maikling kataga nguni’t nagbigay ng ganap na pagbabago sa aking buhay. Ako nga pala si Maryam A. Alojado, ang inyong kapatid sa pananampalatayang Islam. Isinilang ako sa San Jose, Antique. Dati akong Kristiyano na si Jesus Christ ang sinasamba. Tuwing linggo, pumupunta kaming mag-anak sa simbahan at nakikinig ng sermon ng pari. Hindi ko pinangarap na palitan ang aking relihiyon. Para sa akin sapat na ito at ang aking kaunting kaalaman. May mga Muslim din sa aming bayan. May naririnig akong hindi raw maganda ang kanilang pag-uugali at sila raw ay sumasamba sa baboy.  Nagkibit-balikat na lamang ako sa mga balitang ito.

 

Noong nag-aaral ako ng college sa Maynila, niyaya ako ng isa kong kaibigan na sumapi sa kanyang relihiyon---ang Iglesia ni Cristo. Matiyaga niya akong binabasahan ng mga magagandang katuruan nito subali’t kahit anong gawin niya, hindi ako naakit dahil pinaglaban ko pa rin ang pagiging isang Katoliko. Noong nasa 3rd year college na ako, niyaya akong mag-abroad ng aking tiyahin. Pangarap ko rin noon ang makarating sa ibang bansa katulad ng America o di kaya’y sa Austria. Sa pagkakataong ito nag-apply na rin ako subali’t para sa akin laro lamang ito dahil hindi ako tapos ng kolehiyo.

 

Parang tukso, sa lahat ng bansang inayawan kong marating hindi ko akalain na dito sa Saudi Arabia pala ako mapapadpad. Ang pag-aapply kong laru-laro lamang ay naging totoo at huli na ang lahat para bawiin ko ito. Ang perang galing sa tiyahin ko na nakalaan para sa aking tuition fees ang ibinayad ko sa agency. Dahil sa takot kong malaman ng tiyahin ko, nag-apura akong makaalis papuntang Saudi Arabia.  Ipinaliwanag ko ang lahat sa aking lola at hindi ko makalimutan ang habilin niyang huwag akong mag-Muslim dahil hindi raw ito maganda.

 

Narating ko ang Saudi Arabia noong January 3, 1997.  Tamang-tama namang palapit na noon ang buwan ng Ramadan. Sa pagsapit ng naturang buwan, takang-taka ako kung bakit hindi kumakain ang mga tao hangga’t hindi dumating ang takdang oras ng Maghreb o paglubog ng araw. Hindi ako nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng ginagawa nila. Nakalipas ang isang linggo, ang buong pamilya ng aking Saudi employer ay lumuwas patungong Jeddah at kasama kaming lahat na mga namamasukan sa kanila. Ako lang ang hindi Muslim sa kanila. Naramdaman kong tila kaiba ang trato nila sa akin kaysa sa aking mga kasama. Naging palaisipan ang bagay na ito sa akin hanggang sa bumalik kami sa Riyadh. Nagtanong ako sa isa sa aking mga kasama tungkol dito. Minabuti niyang bigyan ako ng mga babasahing Islamiko. Tuwing nagpapahinga, naging libangan ko ang pagbasa ng mga babasahing ito. Nang magkaroon ng liwanag ang mga bagay na bumabagabag sa akin tungkol sa Islam, nagpasiya akong sabihin sa aking madam na gusto kong dumalo sa mga Islamic lectures. Naging puspusan ang aking pag-aaral sa loob ng limang araw, at nang sumapit ang ika-anim na araw nagpasiya akong yakapin ang Islam. Ang tanging nasambit ko sa laki ng aking kagalakan ay: Allahu Akbar!  Allahu Akbar!  Allahu Akbar!  (Ang Allah ay Dakila).

 

Hindi ko kayang ipaliwanag ang damdamin ko nang yakapin ko ang Islam. Pakiwari ko’y para akong lumulutang sa kasiyahan dahil alam kong kasapi na ako sa tunay na relihiyon. Ang labis kong ikinasisiya ay ang pangako ng Allah na ang sinumang taus-pusong yumakap ng Islam, mabubura ang lahat ng kanyang mga kasalanan at karagdagan nito’y mapapalitan ng mabubuting gawa kahit anuman ang timbang nito.

 

Muli kaming nagtungo sa Jeddah kung kaya’t hindi ko naipagpatuloy ang pagdalo sa lecture hall.  Bukod sa pangu-nahing aralin sa Islam at ang pagganap ng Salah, hindi na naragdagan pa ang aking kaalaman. Sinulatan ko ang aking mga magulang na isa na akong Muslim. Hindi ko inisip kung ano ang magiging resulta ng aking pagtatapat sa kanila. Ang tanging nasa loob ko ay nagawa ko ang tamang bagay at ito ay pansarili dahil tinanggap ko ang Islam nang lubos sa aking kalooban at walang bahid ng pagsisisi.

 

Hindi pala tama ang aking pagsamba noon kay Jesus Christ dahil siya ay katulad din nating tao. Isinilang siya ng kanyang ina na si Maria, at isinugo siya ng Allah bilang isang Propetang may dalang mensahe mula sa Kanya. Dapat lamang tayong sumamba sa Allah at sundin ang mga aral ng Kanyang huling Propeta’t Sugo na si Muhammad.

 

Sa kagandahang loob ng aming employer hinikayat niya ako at isang kasama ko sa bahay na magpatuloy ng pag-aaral ng Islam. Nagpunta kami sa Call & Guidance Office Al-Batha at doon namin nakausap si Brother Muhammed dela Peña. Ipinayo niyang magpunta kami sa Dar Al Eemaan, isang center para sa kababaihang Muslim. May pag-aaral dito tuwing araw ng Biyernes. Pinayagan din kami ng aming employer at simula noon naging regular student kami.

 

Sa unang araw ng pagpasok sa Dar Al Eemaan,  nahihiya pa kami ng aking kasama dahil sa uri  ng aming trabaho. Subali’t binigyan kami ng lakas ng loob ng isang sister na namamahala doon. Ang sabi niya’y huwag mag-isip ng negatibo dahil para sa Allah pantay-pantay ang lahat---walang nurse, walang katulong, atpb.  Doon ko rin naranasan ang magsulat ng Arabic alphabets, at nagpatuloy sa pag-aaral ng mga katuruan ng Islam. Nasabi ko sa aking sarili na sadyang malaki pala ang kakulangan ng aking kaalaman. Isang napakahalagang natutuhan ko sa Dar Al Eemaan ay ang pagbabasa ng Banal na Qur’an sa wikang Arabic. Simula noon puspusan kong pinag-aralan ang ilang bahagi ng Banal na Qur’an. Kinalulugdan ko ang pagdalo sa paaralang Dar Al Eemaan lalung-lalo na sa tuwing may Question and Answer pagkaraang magbigay ng Islamic studies. Para sa akin nais kong palaging Biyernes na lamang dahil kapag kasama ko ang mga kapatid sa Islam, pakiramdam ko’y nawawala ang aking pagod at pagkainip. Handa rin silang tumulong sa sinumang may suliranin sa amin.

 

Naranasan ko ring makapaglakbay patungong Makkah para mag-Umrah (pagdalaw sa Makkah) at hindi ko rin ito inakalang darating pa sa aking buhay. Lalong tumibay ang aking pananampalataya dahil narating ko na rin ang aking matagal na pangarap.

 

Maraming bagay ang nagbago sa aking buhay katulad ng tamang pananamit. Noon, mahilig akong magsuot ng sleeveless at T-shirt at mahihigpit na pantalon na parang mistulang lalaki.  Napag-aralan ko rin ang kabutihang-asal sa Islam. Sa aking pag-aaral, natutuhan ko ring magkaroon ng takot sa Allah. Sa Islam, isa pala sa mataas na uri ng pagsamba ang pagtatakip ng buong katawan---tamang pananamit sa kababaihan.

 

Nagpapasalamat ako sa matiyagang pagtulong at pagpupursige ng namamahala sa Dar Al Eeman sa pagtuturo sa amin. Gayundin sa mga taong patuloy na tumutulong sa pananatili ng kapisanang ito. Nawa’y hindi sila magsawa sa pagtulong dahil marami pa ang hindi nakababatid sa katuruan ng Islam.

 

Sa aking pag-uwi sa Pilipinas, dalangin kong maibahagi ang aking nalalaman sa Islam sa aking mga magulang at mga kapatid. Nawa’y tanggapin nila ako sa aking bagong pananampalataya, Insha Allah. Iisa lamang ang aking pangarap---ang makapasok sa Paraiso at makaharap ang ating Tanging Tagapaglikha, ang Allah (swt).

 

Ang payo ko sa mga hindi pa Muslim na huwag husgahin ang Islam sa maling gawain o paninira ng iba, bagkus tingnan ang tamang katuruan nito sa pagbabasa ng lathalaing Islamiko at Banal na Qur’an. Isagawa ang kautusan nito upang magkaroon ng Kapayapaan at marating ang tamang landas. Sa panahon ngayon, dapat tayong kumilos at sundin ang Tunay na Relihiyon---ang Islam sapagka’t narito ang tunay na pagsamba sa Nag-iisang Diyos na Lumikha sa ating lahat. Dapat lagi tayong nakahanda dahil napaikli ng buhay. Hindi natin alam kung kailan Niya tayo babawian ng buhay. Magsilbing inspirasyon sana ang aking karanasan sa mga taong naghahanap ng kapayapaan.

 

May Allah continue to guide us all to the right path.

 

 

 

“Inaamin kong kahit ‘born Muslim’ ako o ipinanganak
sa mga Muslim na magulang,  marami pa rin ang hindi ko nalalaman tungkol sa aking relihiyon”

1-1 of 1