Latest News

News‎ > ‎

PROJECT LAUNCHING "Tubig Talino Galing Bataan "

posted ‎‎Aug 12, 2008 6:27 PM‎‎ by James Quizon   [ updated ‎‎Aug 12, 2008 6:42 PM‎‎ ]
Written by: Provincial Information Office


        
    BALANGA CITY, Bataan – Pormal na inilunsad ni Gov. Enrique “Tet” Garcia, Jr. noong Biyernes (Hulyo 18) ang “Tubig Talino Galing-Bataan Project”,  na magsasagawa ng produksyon ng isang inuming tubig na sinangkapan ng iodine para masolusyunan ang pagkalat ng Iodine Deficiency Disorder (IDD) na karaniwang nagiging dahilan ng pagkakroon ng iba’t ibang sakit kabilang na ang goiter at mental retardation.

    Sa isang press conference, sinabi ni Provincial Health Office chief Dr. Glory Baltazar, na Bataan ang kauna-unahang lalawigan sa buong bansa partikular sa government sector na gumamit ng naturang teknolohiya ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science and Technology (DOST) para matugunan ang problema sa kakulangan ng iodine na maituturing na isang uri ng malnutrition na hindi nakikita.

    Ang Tubig Talino ay isang iodine-rich drinking water na nakakatulong sa proper growth at brain development kung saan naiiwasan ang pagkakaroon ng goiter o pamamaga ng thyroid glands.

    “Bagamat marami nang attempt ang ating pamahalaan para masolusyunan ang problema sa iodine deficiency gaya ng paggamit ng iodized salt ay marami pa rin ang ginagamot na may mga sakit nito,” ani pa Baltazar.

    Ipinahayag ni Dr. Rosanna Buccahan, PHO director for public health program, na kasama ang Tubig-Talino project sa action plan ng Provincial Nutrition Committee na pinamumunuan ni Gov. Garcia kung saan ang kanilang target beneficiaries ay mga pre-school at elementary school children na nasa ilalim ng kanilang feeding programs.

    Tiniyak naman nito na walang naitala sa Bataan na may IDD bagamat batay sa nutrition survey ng FNRI-DOST, lumilitaw na ang may highest prevalence ng IDD ay sa Cordillera Administrative Region (CAR).

    Sinabi naman ni Dr. Rosario Sagum, senior science research specialist ng FNRI, na may sariling water laboratory at kakayahan ang PHO-Bataan kaya’t napili nila ito para magtaguyod ng nasabing teknolohiya. Ang Tubig Talino Refilling Center ay matatagpuan sa PHO compound sa lungsod na ito.