Written by: Provincial Information Office
BALANGA CITY, Bataan
– Pormal na inilunsad ni Gov. Enrique “Tet” Garcia, Jr. noong Biyernes
(Hulyo 18) ang “Tubig Talino Galing-Bataan Project”, na
magsasagawa ng produksyon ng isang inuming tubig na sinangkapan ng
iodine para masolusyunan ang pagkalat ng Iodine Deficiency Disorder
(IDD) na karaniwang nagiging dahilan ng pagkakroon ng iba’t ibang sakit
kabilang na ang goiter at mental retardation.
Sa isang press conference, sinabi ni Provincial Health Office chief Dr.
Glory Baltazar, na Bataan ang kauna-unahang lalawigan sa buong bansa
partikular sa government sector na gumamit ng naturang teknolohiya ng
Food and Nutrition Research Institute (FNRI) ng Department of Science
and Technology (DOST) para matugunan ang problema sa kakulangan ng
iodine na maituturing na isang uri ng malnutrition na hindi nakikita.
Ang Tubig Talino ay isang iodine-rich drinking water na nakakatulong sa
proper growth at brain development kung saan naiiwasan ang pagkakaroon
ng goiter o pamamaga ng thyroid glands.
“Bagamat marami nang attempt ang ating pamahalaan para masolusyunan ang
problema sa iodine deficiency gaya ng paggamit ng iodized salt ay
marami pa rin ang ginagamot na may mga sakit nito,” ani pa Baltazar.
Ipinahayag ni Dr. Rosanna Buccahan, PHO director for public health
program, na kasama ang Tubig-Talino project sa action plan ng
Provincial Nutrition Committee na pinamumunuan ni Gov. Garcia kung saan
ang kanilang target beneficiaries ay mga pre-school at elementary
school children na nasa ilalim ng kanilang feeding programs.
Tiniyak naman nito na walang naitala sa Bataan na may IDD bagamat batay
sa nutrition survey ng FNRI-DOST, lumilitaw na ang may highest
prevalence ng IDD ay sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Sinabi naman ni Dr. Rosario Sagum, senior science research specialist
ng FNRI, na may sariling water laboratory at kakayahan ang PHO-Bataan
kaya’t napili nila ito para magtaguyod ng nasabing teknolohiya. Ang
Tubig Talino Refilling Center ay matatagpuan sa PHO compound sa lungsod
na ito.
|